58

By

Sandra Cam sa P500M properties: Handa akong magpaimbestiga

Wala umanong kredibilidad, ayon kay Philippine Charity Sweepstakes Office board member Sandra Cam, ang isang pribadong mamamayan na nag-aakusa na mayroon siyang mga ari-arian na aabot ng kabuuang P500 milyon.

Sa panayam kay Cam sa dzmm, sinabi nitong hindi kapani-paniwala si Lino Espinosa Lim Jr., dahil marami itong mga nakabinbing kaso kabilang na ang estafa at carjacking at dahil dito, ang mga alegasyon nito laban sa kanya ay mananatiling alegasyon at walang halaga.

Matatandaang hiniling ni Lim sa Office of the Ombudsman na maimbestigahan si Cam dahil sa mga property nito sa Masbate na P500 million ang halaga kabilang na ang resort para sa manta ray diving.

Paliwanag ng dating jueteng whistleblower, ang naturang resort sa Barangay Pinamoghaan sa San Fernando, Masbate umano ay nasa ilalim ng pangalan niya pero hindi ito isinama sa kanyang latest statement of assets, liabilities and net worth dahil under construction pa ito.

Itinanggi rin nito ang pagmamay-ari ng dalawang lupain sa Barangay Matabao sa Batuan na umano’y P300 million ang halaga.

Aniya, masyado umanong nananaginip si Lim dahil walang mahahanap na lupa sa Masbate na ganoon kalaki ang halaga.

Hindi rin aniya niya ginamit ang pagiging opisyal ng gobyerno para magpalayas ng mga residente sa naturang lupain.

Ipinupukol lang umano sa kanya ang mga alegasyon dahil sa isiniwalat niyang korapsiyon sa small town lottery operations.

Iginiit naman niyang handa siya maimbestigahan at wala aniya siyang ninakaw ni isang kusing sa pondo ng gobyerno.

Nakilala si Cam noong 2005 nang ibunyag niya ang pagiging bagwoman nina Juan Miguel Arroyo at Jose Ignacio Arroyo sa operasyon ng jueteng.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?