30
tnt_dead
By

Salpukan ng motor at van; rider todas, angkas sugatan

Nasawi ang isang motorcycle rider at habang sugatan naman ang babaeng angkas nito makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motor sa nakasalubong na van, kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Naisugod pa sa Amang Rodriguez Hospital ang biktimang si Christian Manuel, 28, binata, at residente ng Sitio Kaysikat, Brgy. San Jose, ngunit idineklara na itong dead-on-arrival ng mga doktor.

Samantala, nilalapatan pa ng lunas sa naturang pagamutan ang angkas nito na si Jenilyn Nabarte, 25, dalaga, na residente rin ng nabanggit na lugar.

Nasa kamay na ng mga awtoridad ang suspek na si Jerry Enaje, 24, driver ng van, at residente ng Brgy. Calawis, Antipolo City, at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury.

Batay sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police Station, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi, sa Sitio Pulang Panyo sa Brgy. San Jose.

Nabatid na magkaangkas ang mga biktima sa motorsiklong walang plaka na kulay asul at itim, at binabagtas ang lugar na patungong Brgy. Calawis, nang makasalubong nito at makasalpukan ang kulay puting Mitsubishi L300 van (ADV-930), na minamaneho ni Enaje.

Sa tindi ng pagkabangga ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo’t katawan ang mga biktima at kaagad na isinugod sa nasabing pagamutan pero idineklarang dead-on-arrival si Manuel. (Edwin Balasa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?