197

By

Sales rep naging milyonaryo sa napanaginipang numero

Naging instant milyonaryo ang isang sales representative matapos tumama ang mga numerong kanyang napanaginipan sa Mega Lotto 6/45 draw.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, kinubra ng lalaking mananaya, na nasa mahigit 50-anyos, ang kanyang napanalunang premyo sa kanilang tanggapan sa Mandaluyong City nitong Martes.

Ayon sa bagong milyonaryo, nasa 25 taon na umano siyang tumataya ng lotto mula pa taong 1995.

Ang napanalunang numero ay napanaginipan umano niya subalit nakalimutan na umano niya ito pagkagising niya pero pagpunta niya sa pinapasukang kompanya ay isa-isa umano niya itong naalala nang pindutin ng mga sakay ng elevator ang mga nasabing numero.

Ang kanyang napanaginipang winning combination ay 19-07-09-06-22-16 na nagbigay sa kanya ng jackpot prize na P22,163,563.60 na binola noong Nobyembre 16, 2019.

Tatlong sunod umanong tinayaan ng mananaya ang nasabing kombinasyon na kanyang napanaginipan bago ito nanalo sa isang outlet sa Makati City, ayon kay Garma.

Magtatayo umano ng lotto outlet ang masuwerteng mananaya na isa sa kanyang papasuking negosyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?