174

By

Sabi ko sa inyo e! – Duterte sa pag-amin ni Pope Francis sa pang-aabuso ng mga pari

May pangangailangang ireporma ang Simbahan dahil sa mga kinakaharap na kontrobersiya sa kanilang hanay.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa Peace and Order Summit for Barangay Officials sa Legazpi City, Albay ngayong gabi (Pebrero 8).

Sinabi ng Presidente na mismong si Pope Francis na aniya ang nagbunyag sa ginagawang kalokohan ng mga pari sa mga babae.

Ayon sa Pangulo, nasa Dubai ang Santo Papa at inaming ang mga madre ang ginagawang parausan ng mga pari.

“The Pope is in Dubai, he admitted yesterday na yung mga madre, yun ang konsumo ng mga pari. Really,” anang Pangulo.

Noon pa aniya nito sinasabi ang kabulukan ng mga alagad ng simbahan at kailangang ireporma bago pa tuluyang mawasak ito.

Ikinuwento rin ng Presidente sa mga Bicolano ang naging karanasan nito at mga kaklase noong nag-aaral pa ito kung saan habang pinagkukumpisal ng mga pari ay hinihipuan sila ng mga ito.

“Hindi ako nagpapatawa and I will not joke or crack a joke about that. Sinasabi ko na sa inyo eh. The Church has to reform,” dagdag pa ng Pangulo.

Hinimok din ng Pangulo ang mga Bicolano na basahin ang dalawang kontrobersiyal na libro patungkol sa mga eskandalo sa Simbahang Katolika at kapag nabasa na aniya ang mga ito ay saka sabihin sa kanya kung nagsasabi ba ito ng totoo o gumagawa lamang ng istorya laban sa ilang mga alagad ng Simbahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?