78

By

Sa wakas! 1st win binulsa ni Paat, ‘Pinas vs Vietnam

Makalipas ang tatlong laro, makapag-uuwi din ang Pilipinas ng panalo sa 2019 Asean Volleyball Grand Prix.

Matapos kapusin kontra Thailand at Indonesia, nakabingwit din ng ‘W’ ang PH women’s volleyball team kontra Vietnam, 25-21, 22-25, 25-21, 15-25, 15-12, sa Terminal 21 Mall, sa Thailand, Linggo ng gabi.

Sa nasabing laban, nagpakitang-gilas ang Cignal star na si Mylene Paat, nag-ambag ng 22 points sa bisa ng 14 atake, tig-apat na block at service ace.

Nakatuwang naman niya ang dalawa pang offensive gem kina Kalei Mau at Ces Molina, tumapos nang may 16 at 14 markers, ayon sa pagkakasunod.

Naging maganda ang simula ng mga Pilipina, nasungkit ang 2-1 set lead kontra sa mga Vietnamese, ngunit biglang lumamya ang laro sa fourth set.

Pagpasok ng clutch set ay nagpakitang-gilas na ang minsan lang gamitin na sina Eya Laure at Jia Morado, dalawang puntos ang ginawa ng UST Rookie of the Year na si Laure para makuha ang kalamangan, 10-9.

Nag-trending naman sa social media si setter Jia Morado dahil sa magkasunod na drop shot nito na dumiskaril sa last-placed team sa torneo na Vietnam.

Sa pangugulat ng dalawa, nagtuloy-tuloy na ang momentum para sa Nationals, nagbida na sina Paat at Mau para sungkitin ang panalo.

Hindi umubra ang 25 points ng Vietnam team captain na si Thi Thanh Thuy Tran, kasama pa ang 15 markers ni Thi Kim Thanh.

Nakaiwas ang Pilipinas sa dulo ng standing sa 1-2 record, ngayon ay maghahanda para sa ikalawang leg ng Grand Prix na gaganapin sa bansa sa Sta. Rosa Gym, Laguna sa Oktubre 4 hanggang 6.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?