57

Oct 4, 2019 @ 17:49
By

Sa tindi ng trapik: Toll sa SLEX kaltasan – Poe

Dahil sa nararanasang matinding trapik sa South Luzon Expressway (SLEX) bunsod ng ginagawang Skyway extension project, iminungkahi ni Senadora Grace Poe na tapyasin ang binabayad na toll ng mga motorista.

“Motorists deserve to pay less for the trouble the gridlock is causing due to the extension project. Sa mala-prusisyong usad ng trapiko dahil dito, masama bang hilinging kaltasan ang toll sa mga motorista?” tanong ni Poe.

“Implementing a toll reduction will show that the government and the tollway management can feel the people’s distress,” dagdag nito.

Ginawa ni Poe, chairman ng Senate public services committee, ang mungkahi matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa matinding sitwasyon ng trapik sa SLEX.

Sa kanilang traffic advisory, sinabi ng SLEX na isinara nila ang lane 3 northbound o outermost lane pagkalagpas ng Alabang viaduct sa Muntinlupa City mula pa noong Setyembre 24 dahil sa konstruksiyon ng pylon para sa 6-km extension ng Skyway mula Barangay Cupang patungo sa Susana Heights.

“Nagbabayad tayo ng toll dahil gusto natin ng mabilis na biyahe, kaya nga expressway. Pero ngayon, 28 kilometro ang ginagapang ng ating mga kababayan araw-araw,” sabi ni Poe sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2020 budget ng Department of Transportation.

Sinabi naman ni Abraham Sales, executive director ng Toll Regulatory Board, na magpapatulong sila sa Metropolitan Manila Development Authority para maisaayos ang daloy ng trapiko sa lugar sa susunod na linggo.

“Bakit pa hihintayin iyong next week? I’m sure you can call the MMDA to come now and help,” ani Poe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?