76

By

Rose balik MVP-form, umiskor ng 50 kontra Jazz

Marami ang nagduda kay Minnesota Timberwolves guard Derrick Rose dahil tila hindi na nito makuha ang dating galaw buhat ng magka-ACL injury noong 2012.

Ngunit sa kanilang naging laban kontra Utah Jazz, kanyang pinatunayan na siya pa rin ang 2011 MVP ng liga.

Maluha-luhang lumabas ng court si Rose matapos ang laban, karamihan sa mga miron na nanood ay nagsimula ng MVP chant para sa kanya.

Hindi akalain ng dating matinik sa scoring na makakapagbuslo pa siya ng 50 sa dinami-rami ng pinagdaanan.

Sa second half ng laban, 34 puntos ang ginawa ng three-time NBA All-Star, 15 dito ay kanyang pinukol sa 4th quarter.

Siya ang sinandigan ng koponan, na naglaro bilang starter sa kauna-unahang pagkakataon ngayong season dahil wala sina Jimmy Butler, Jeff Teague at Tyus Jones.

Sa mga huling minuto sa crucial stretch, si Rose ang umiskor para maitakas ng Minnesota ang 128-125 win kontra Jazz.

Nakatuwang niya si Karl Anthony-Towns na may 28 puntos at 16 rebounds, pati na rin si Andrew Wiggins na kumamada ng 19.

Para sa Jazz, nauwi sa talo ang 26-point effort ni Donovan Mitchell, maging ang 22 points, 13 rebounds ni Rudy Gobert.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?