86
Rondina, Laure, UST tatapusin ang Ateneo
By

Rondina, Laure, UST tatapusin ang Ateneo

Tapusin na natin ito!

Ganito ang pakay ng UST dynamic duo na sina MVP Sisi Rondina at Rookie of the Year Eya Laure pagsalang sa Game 2 ng best-of-three titular showdown ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kontra Ateneo alas-4:00 Miyerkoles ng hapon sa MOA Arena.

Kinubra ng Golden Tigresses ang Game 1 victory sa pagdeliber ni Rondina at Laure ng 23 at 11 puntos tungo sa 25-17, 25-16, 25-20 panalo.

“Paninindigan na namin ito. ‘Yung mga UST supporter, andiyan sila through ups and downs. Kaya dapat huwag din kaming mawawala sa Game 2,” wika ni fifth year spiker Rondina.

“Actually nung Game 1 tinititigan ko silang lahat habang naggo-“Go USTe”. Hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na nabalik namin silang lahat, ‘yung tiwala nila bumalik din, ‘yung suporta nandoon,” sabi naman ni Laure.

Sa kabila nito, batid ng dalawa na reresbak ang Lady Eagles kaya ayaw nilang magsiguro.

“Sabi ko kila Ate Sisi nung nanalo kami and nag-huddle kami sa gitna, walang magiging kampante. May isang laro pa, hindi pa tapos ang laban, kahit ano pwedeng mangyari,” dagdag ng Rookie of the Year.

Ayon naman kay UST head coach Kungfu Reyes, oras na nila para sa korona.

“Sabi nga nila sa matagal na panahon na nagsasakripisyo kami, ito na yung oras na kami naman,” sabi nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?