253
Robredo sa ‘Bikoy’ drug videos: Wala kaming alam diyan!
By

Robredo sa ‘Bikoy’ drug videos: Wala kaming alam diyan!

Itinanggi ni Vice President Leni Robredo ang mga alegasyon na ang Liberal Party (LP) ang nasa likod ng mga nagsulputang video na nagsasangkot sa iligal na droga sa mga kapamilya at kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, sigurado umano siya na hindi sila ang may pakana ng mga video ni alyas Bikoy na may pamagat na “Ang Totoong Narco List” dahil siya mismo ay hindi pa nakikita ang videos.

“Kasi ako, sigurado ako, hindi kami. Ako nga, hanggang ngayon, hindi ko pa nakikita iyong lahat na videos,” ani Robredo sa isang panayam sa Romblon.

Ikinalungkot din ng Bise Presidente na lahat ng negatibong bagay na ipinupukol sa administrasyon ay ang LP at mga tagasuporta nito na tinatawag na “dilawan” ang napagbibintangan.

Matatandaang naging viral sa social media ang “Ang Totoong Narco List” kung saan isinangkot sa kalakaran ng iligal na droga sina presidential son Paolo Duterte, presidential daughter Veronica “Kitty” Duterte, dating presidential aide at ngayo’y senatorial candidate Bong Go at maging ang common-law wife ng Pangulo na si Honeylet Avanceña.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?