4,133

By

Robredo camp kay Cayetano: Kung hindi ka tutulong, huwag kang manira!

Pinalagan ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang maagang pagbanat ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa Bise Presidente bilang drug czar.

Ani VP Spokesperson Atty. Barry Gutierrez sa “all talk” remarks ni Cayetano kay Robredo, nagsisimula pa lang ang Bise Presidente sa trabahong ipinasa sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte at wala pa nga itong isang linggo.

Kung hindi aniya magagawang tumulong ni Cayetano ay iwasan na lang nito ang manira dahil kailangan sa ngayon ay ang magtulungan sa kampanya kontra droga.

Dahil kung maaga pa lang aniya ay mag-aaway-away na sila, ang mga drug lord lang ang matutuwa.

“Kung hindi magawang tumulong ni Speaker Cayetano sa ginagawang trabaho ni VP, kahit man lang umiwas muna siya sa paninira. Kailangan ng buong gobyernong magtulungan sa kampanya laban sa iligal na droga. Kung ganito pa lang kaaga mag-aaway-away na tayo, ang mga drug lord lang ang matutuwa,” giit ni Gutierrez.

Nag-ugat ang pahayag matapos idiniin ni Cayetano na mula nang maging drug czar ang Bise Presidente ay naging “Operation All Talk” na ang Operation Tokhang dahil sa pag-upo pa lamang aniya ay kung ano-anong ideya at kritisismo na agad ang naibato nito sa mga ahensya ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?