32

By

Riding-in-tandem napatay pa! Pulis nakaligtas sa pangraratrat

Nakaligtas sa pananambang ang isang pulis kung saan napatay pa nito ang isa sa riding in tandem na mga suspek na gustong tumumba sa kanya Huwebes ng gabi sa bayan ng Kadingilan, Bukidnon.

Suwerteng hindi tinamaan ng pagbabarilin ng isa sa dalawang suspek ang biktimang pulis na nakilalang si Corporal Johnny Padillo, nakatalaga sa Kadingilan police station.

Ayon kay Police Brig. General Rolando Anduyan, director ng Police Regional Office (PRO) 10, naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng gabi sa kahabaan ng Sitio Tower P6 Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Lulan ng kanyang motorsiklo ang pulis, pabalik na sana ito sa istasyon ng tambangan ng mga suspek at pagbabarilin.

Subalit nakuhang makailag ni Padillo at nakaganti ng putok dahilan upang masapul ang gunman na si John Mark Gonzales, 20-anyos at mahulog sa motorsiklo.

Tuluyan ng iniwan ng drayber na motorsiklo ang nasapul na suspek kung saan sinubukan pa itong isugod sa Bukidnon Provincial Hospital pero idineklara na ring dead on arrival dahil sa limang tama ng bala sa katawan.

Nakuha sa pag-iingat ng napatay na suspek ang isang kalibre .45 baril at mga bala nito gayundin ang isang kulay pulang pouch na naglalaman ng shabu.

Patuloy ang manhunt operation ng pulisya para sa posibleng pagkakadakip ng isa pang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?