74

By

Retiradong pulis na naging full-time tulak, tumba sa shootout

Patay ang isang retiradong pulis matapos na manlaban sa mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa isinagawang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City nitong Lunes ng hatinggabi.

Dead on arrival sa pinagsugurang Novaliches District Hospital ang suspek na nakilalang si retired Corporal Tirso Lactaotao, 48, residente ng Barangay Bagumbayan, Pililia, Rizal.

Ayon kay Police Col. Ronald Lee, hepe ng IMEG, isinagawa ang anti-illigal drug operation ng kanyang mga tauhan matapos ang ulat na ang suspek ay talamak na nagbebenta ng shabu sa Barangay Bagumbayan sa bayan ng Pililia at karatig lugar.

Dakong alas-12:25 ng hatinggabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang IMEG sa kahabaan ng Austria St., Barangay Novaliches Proper.

Isang police poseur buyer ang kumuha ng shabu sa suspek subalit natunugan ng huli na pulis ang kanyang katransaksyon dahilan upang agad itong humugot ng kanyang baril at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti naman ng putok ang IMEG dahilan upang masapol ang suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Lee, nag-early retirement ang suspek bilang PNP personnel nitong nakaraang buwan at base sa intelligence report ng ahensya ay nag-full blast na ito sa pagtutulak ng iligal na droga.

Nasamsam sa suspek ang isang 9 mm na baril, iba’t ibang ID kabilang ang kanyang police ID; P2,000 buy-bust money, dalawang cellphone at pitong sachet ng shabu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?