248

By

Rerouting sa Marikina, kasado na para sa Undas 2019

Tiniyak ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na magiging mayos ang daloy ng trapiko sa pamamagitan ng pagsasagawa ng security measures at traffic rerouting scheme sa lahat ng kalsada na patungo sa limang nasasakupang sementeryo ng siyudad bilang paghahanda sa nalalapit na All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Una nang nagsagawa ng inspeksyon ang alkalde sa Loyola Memorial Park, Barangka Municipal Cemetery, Aglipay Cemetery, Holy Child Cemetery, at Our Lady of Abandoned (OLA) para masigurong malinis ang paligid ng mga sementeryo na walang sagabal o anumang ginagawang mga road repair.

“Kaya ang mga paghahanda na ginagawa ay para mapanatili ang kaayusan sa Undas, at para malaman kung ano pa ang mga puwede nating paghandaan pa,” ayon kay Mayor Teodoro.

Sa kabila nito, bumuo si Mayor Teodoro ng Oplan Undas Task Force na pinamamahalaan ni Councilor Manny Sarmiento na kinabibilangan ng mga tauhan ng Marikina City Police, Office of Public Safety and Security (OPSS), City Health Department, City Disaster Risk Reduction and Management Office-Marikina Rescue 161, Bureau of Fire Protection, mga barangay official at ilang concerned department na poposte sa limang sementeryo.

Simula sa October 31, ang daloy ng mga sasakyan sa ilang lugar sa Marikina ay ire-reroute na sisimulan ng alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi sa Linggo ng November 3.

Maaari namang makita ang ginawang traffic rerouting scheme para sa Undas 2019 sa kanilang Marikina PIO Facebook page.

“Gusto ko ‘yung public security at traffic rerouting ay matiyak na maipapatupad. Dapat walang anumang untoward incident sa loob sementeryo. Iyong peace and order dapat mahigpit na maipatupad,” paliwanag ng alkalde.

Dagdag pa nito, para maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko, inutos ng alkalde na walang makikitang mga vendor sa mga kalsada, kalye o iskinita na malapit sa mga sementeryo.

Ito ay dahil naglaan sila ng tamang posisyon na kalalagyan ng mga vendor na hindi makakasagabal sa daloy ng trapiko at sa pagpasok ng mga tao.

“Nakipag-coordinate na tayo sa mga barangay na pagbawalan ang pagbebenta sa mga kalye at bangketa para walang obstruction sa daan,” ayon kay Councilor Sarmiento.

Kasabay nito, paalala ng Marikina City government na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga baril, patalim, nakalalasing na inumin, gambling paraphernalia, maging ang loudspeakers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?