44

By

Pusher iniligpit ng sindikato

Onsehan sa shabu ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad nang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang 40-anyos na lalaki sa Quezon City, Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang biktima ay nakilalang si Boy Dela Rosa, residente ng Brgy. Poblacion, Antipolo City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Christian D. Loyola, ang insidente ay naganap dakong alas-3:30 ng madaling araw, Oktubre 17, 2019, sa harap ng 11 BMA St., corner Kitanlad St., Brgy. Tatalon, QC.

Sa pahayag ng nakasaksing tricycle driver, nag-aabang umano siya ng pasahero nang makarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kaniyang usisain ay namataan niya ang duguang nakabulagtang lalaki.

Agad na inireport ng tricycle driver ang krimen sa mga barangay official sa nasabing lugar na siya namang tumawag sa himpilan ng pulisya.

Sinabi ng nagrespondeng SOCO team na pinamumunuan ni PMaj. Joseph Infante, ang biktima ay nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan.

Nasamsam sa biktima ang isang plastic sachet ng shabu na hinihinalang onsehan sa droga ang dahilan kung bakit itinumba ito ng mga sindikato.

Gayunman, masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa naganap na krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?