37

By

Pulis tinodas sa Masbate

Patay ang isang pulis matapos itong pagbabarilin ng isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo sa tabing kalsada sa Barangay Canvañez, Batuan, Masbate, Huwebes ng gabi.

Dead on the spot matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang biktimang nakilalang si Police Sr. Master Sgt. Oscar Alegada, 43, nakatalaga sa Batuan Municipal Police Station.

Sa ulat na nakarating sa Police Regional Office 5 sa Camp Simeon Ola sa Legazpi City, Albay, naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng gabi sa kahabaan ng highway sakop ng Barangay Canvañez ng nasabing bayan.

Nakikipag-usap umano ang biktima kay non-uniformed personnel Mylene Olarita sa gilid ng kalsada nang dumating ang mga suspek na nakamotorsiklo at malapitang pinagbabaril sa ulo ang pulis.

Matapos ang pamamaril ay mabilis ding tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang motorsiklo at iniwang wala nang buhay si Alegada.

Agad namang nagsagawa ng mga checkpoint ang iba’t ibang istasyon ng pulis para sa posibleng pagdakip sa mga suspek subalit bigo ang mga ito.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen at inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho o personal na away ang motibo ng mga suspek sa pagpatay sa pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?