299

By

Pulis tinodas ng kasosyo sa negosyo

Patay ang isang pulis matapos barilin sa ulo ng kanyang business partner Miyerkoles ng gabi sa loob ng bahay nito sa Los Baños, Laguna.

Dead on arrival sa pinagsugurang Los Baños Doctors Hospital ang biktimang si Senior Master Sergeant Dominic Doctor Obligado, 43, nakadestino sa Lucena City Police Office at residente ng College Ville Subd. Barangay Tuntungin-Putho sa nabatid na bayan.

Samantala isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya para sa agarang pagdakip sa suspek na si Ruel Nabatilan, alyas Burmoc, kasosyo ng biktima sa “5-6”.

Ayon kay Police Colonel Eleazar Matta, Provincial Director ng Laguna Police Office, naganap ang insidente alas-10:15 ng gabi habang nag-iinuman ang biktima at ilang kaibigan sa loob ng bahay ni Obligado.

Sa gitna ng inuman ay dumating si Nabatilan at bigla na lang binaril sa ulo ang pulis.

Matapos duguang humandusay sa sahig ang biktima ay mabilis namang tumakas ang suspek bitbit ang ginamit nitong baril.

Sa ngayon ay ipinag-utos ni Matta ang malalimang imbestigasyon upang mabatid kung ano ang motibo ng suspek sa nasabing pamamaslang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?