140

By

Pulis, holdaper parehong dedo sa engkuwentro sa Cagayan

Patay ang isang pulis at isang holdaper na tumangay sa bag ng isang babae matapos maganap ang engkuwentro sa Tuguegarao City, Cagayan noong Biyernes ng tanghali, Setyembre 20, 2019.

Kinilala ni Tuguegarao City Police Station (TCPS) deputy chief-of-police P/Maj. Ruben Verbo ang napatay na suspek sa pangalan lamang na “Cris” at nahuli naman ang mga kasamang sina Jayson Saringan at Edgar de Castro, 32, pawang mga residente ng nasabing bayan.

Samantala, ang pulis na namatay habang ginagamot sa ospital ay nakilalang si P/Staff Sgt. Richard Gumarang, nakatalaga sa Ramon Police Station (RPS).

Ayon kay Verbo, naganap ang insidente dakong alas-12:05 ng tanghali nang tangayin ni Cris, kasama ang dalawang suspek, ang bag na pag-aari ni Lorena Carag na may lamang P10,000 cash sa parking area ng St. Peter Cathedal sa nasabing siyudad.

Agad na tumakas ang mga suspek lulan ng pulang Toyota Innova patungong Isabela, ngunit sila ay naharang ng mga pulis matapos makatanggap ng flash alarm at nakasagupa ang mga holdaper na tumangging sumuko sa inilatag na checkpoint ng RPS sa Barangay Turod Bugallon, Isabela.

Sinubukan pang tumakas ng mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay San Miguel at nakipagbarilan sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ni Cris at Gumarang. Samantala, nahuli ang dalawa habang patuloy na tinutugis ang isa pang suspek.

Narekober ng TCPS ang sasakyan at isang M-16 riffle na ginamit sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?