50

Feb 21, 2020 @ 16:49
By

‘Profiling’ ng PNP sa mga Muslim student, kinondena sa Kamara

Kinondena ng mga kongresista ang umano’y ‘profiling’ na ginagawa ngayon ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga estudyanteng Muslim sa Metro Manila na sinasabing nakasaad sa nag-leak na memorandum ng Manila Police District.

Sa pangunguna ng dalawang Muslim solon na sina Deputy Speaker Mujiv Hataman, ng lone district ng Basilan, at Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan, ay kinondena ang naturang hakbang ng PNP na itinuturing nilang isang malaking kamalian.

“Maling-mali ito. Profiling has no place in a nation that respects and draws strength from the diverse beliefs of its people. Guilt by association is wrong, and sometimes fatal. Baseless stereotyping can end in lethal results. What is sad is that this is an official directive, and aimed at children at that,” ayon kay Hataman.

Ayon naman kay Sangcopan, ito’y hindi makatarungan hindi lamang sa mga estudyanteng Muslim kundi sa lahat ng mga Muslim-Filipino at dapat umanong muling ikonsidera ng PNP ang naturang hakbang na ito.

Nabahala rin si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Rep. Isagani Zarate sa naturang hakbang ng PNP na maaaring pahiwatig na rin umano ng nakaambang mas maigting na pag-atake sa mga kabataan o sa Muslim community sa kabuuan.

“This act is highly condemnable and discriminatory. This may also be a prelude to an intensified vilification and attack on the youth and the Muslim community in general. This was the same pattern used against progressives and the opposition. We must oppose and resist this condemnable profiling,” giit ni Zarate.

Dahil dito, panawagan ng kongresista sa sambayanan na maging mapagmasid at sugpuin ang mga ‘draconian move’ na ginagawa ng Duterte administration bago pa man mahuli ang lahat.

Sinuportahan din ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat ang pagkondena sa naturang ginagawa ng mga pulis kasabay ng panawagang agad itong itigil.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?