152

Feb 3, 2020 @ 18:36
By

Produksyon ng face mask mabagal, kulang – Gordon

Kailangang dagdagan pa ng nag-iisang manufacturer ng medical masks sa bansa ang kanilang produksyon ng face mask para matugunan ang mataas na demand nito sa gitna ng outbreak ng novel coronavirus o 2019-nCoV, ayon kay Senador Richard Gordon.

Sa kasalukuyan, 80,000 face masks kada araw lang ang kanyang i-produce ng MedTecs group, ang nag-iisang kumpanya sa Pilipinas na gumagawa ng masks at iba pang personal protective equipment at medical supplies.

“Nakiusap na din ako dun sa kumpanya na magpasok na ng mga dagdag na makina para makagawa ng mas maraming masks. Right now 80,000 a day lang production nila,” sabi ng mambabatas.

Ayon ka Gordon, chairman at CEO ng Philippine Red Cross (PRC), nakikipag-usap din siya sa naturang medical company para suplayan ng face masks sa murang halaga ang mga frontline agency sa bansa tulad ng Bureau of Immigration, Bureau of Customs, airports, seaports, hospitals at lahat ng PRC chapters.

Plano rin niyang magpadala ng face masks sa mga overseas Filipino worker sa Hong Kong, Macau at Taiwan kung saan may malaking bilang mga mga manggagang Pinoy.

“Nagne-negotiate kami na lahat ng frontliner natin sa gobyerno, kung pwede unahin natin ‘yung mga ospital, ‘yung mga nurse, mga doctor, meron tayong supply,” sabi ni Gordon.

“Nakikiusap ako (sa MedTecs) kung meron kayong mga extra supplies, bigay niyo sa ‘min. Magpapadala tayo sa Hong Kong at sa Macau, sumulat na ko sa Chinese Red Cross, para sa mga Pilipino doon. Inaaral pa namin kung paano ang magiging distribution. Ibebenta nang mura,” saad pa ng mambabatas.

“Kung marami pang sobra, sa lahat ng Red Cross chapters sa buong Pilipinas maglagay ng masks at pwedeng bumili ng mura, hindi ‘yung sobrang mahal. At a controlled cost. Kung magagawa iyan, hindi na matatakot masyado ang tao, relax na kayo,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?