63

By

Primary suspek sa pagpaslang sa deputy cop ng Cainta, timbog!

Inginuso ng pangunahing suspek sa pagkakapatay sa deputy chief of police ng Cainta Municipal Police Station (MPS) ang apat niyang kasamahan na nakipagbarilan sa mga awtoridad na naganap noong Pebrero 11 ng gabi sa Kapit Bisig Floodway sa Brgy. San Andres ng bayang ito.

Ayon kay Rubane Paglinawan alyas ‘Ruben Tae’, inamin nito ang insidente at itinuro nito ang iba pang kasamahan na sina Toto Ekis, Macmac Bumbay, Jun Demonyo, at Barry Paglinawan, na kasamang nakipagbarilan laban sa awtoridad na ikinasawi ni Sr. Insp. Jimmy Senosin, deputy chief of police ng Cainta police.

Ayon kay Supt. Raynold Rusero, hepe ng Cainta police, Si Marc Abanio alyas ‘Macmac Bumbay’, 26, ay naaresto nitong Pebrero 17 sa Angono, Rizal dahil sa drug possession, slight illegal detention, attempted homicide at alarm and scandal.

Samantala sumuko naman sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame si Hermogenes Lachica alyas ‘Toto Ekis’ nitong Pebrero 16, patuloy namang pinaghahanap ang dalawa pang suspek na itinuro ni Paglinawan.

Si Paglinawan ay naaresto kamakalawa ng umaga sa Brgy. Signal Village sa Taguig City dahil sa pagwawala at pagdadala ng 29 pulgadang patalim.

Agad na isinagawa ng Taguig police ang turn over ng suspek sa Cainta police kung saan ito nakakulong ngayon.
Samantala, inihatid na si Senosin sa kanyang huling hantungan nitong linggo sa Bombong Public Cemetery sa Binangonan, Rizal.

Ayon naman kay SPO2 Mary Grace Senosin, asawa ng nasawi, na itutuloy nito ang kaso laban kay Paglinawan at iba pang sangkot sa pagkamatay ng kanyang asawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?