42

By

Porter tinumba ng kapitbahay habang tumatagay

Nagwakas sa madugong trahedya ang masayang inuman ng dalawang umpukan ng inuman makaraang magparinigan, magkantiyawan, magkapikunan at sugurin ng saksak ang isang porter habang tumatagay ng lasing ring kapitbahay sa Quezon City, Sabado ng hapon.

Kinilala ni PSSgt. Bienvenido Ribaya III, imbestigador ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang napatay na biktima na si Manuel Robedizo, 39, residente ng Brgy. Old Balara, QC.

Agad namang nadakip ang suspek na si Florentino Josol, alyas “Tino,” 39, janitor at residente sa parehong barangay.

Batay sa imbestigasyon ni Ribaya, bandang alas-3:50 ng hapon (November 30), nakikipag-inuman si Josol sa kanyang mga kaibigan sa harap ng kanilang bahay, habang ang biktima ay nakikipag-tagayan din sa mga kasamahan sa harap ng kanilang tahanan may ilang metro lamang ang layo mula sa lugar ng suspek.

Makalipas ang ilang oras nang malasing, nagkaroon ng kantiyawan at parinigan ang magkabilang umpukan ng inuman hanggang sa magtalo si Manuel at Tino.

Pumasok sa kanilang bahay ang suspek subalit paglabas nito ay armado na ng kutsilyo at sinugod ang biktima saka inundayan ng saksak.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay agad itong sinugod sa Diliman Doctors Hospital subalit binawian din ng buhay bandang alas-5:41 ng hapon, ayon kay Dr. Michael Ramoson, sanhi ng tinamong malalim na saksak sa tiyan.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa QCPD headquarters habang inihahanda ang kasong murder laban sa kanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?