213
Poe: Hindi excuse na sabihin malakas China, mahina tayo
Sep 10, 2019 @ 15:20
By

Poe, Tugade nagsabong sa emergency powers

Nagkainitan sina Transportation Secretary Arthur Tugade at Senadora Grace Poe kaugnay ng panukalang bigyan ng emergency powers si Pangulong Rodrigo Duterte para maresolba ang matinding trapik sa Metro Manila.

Sa pagdinig ng Senate public services committee sa panukalang pagbabawal ng bus sa EDSA, muling iginiit ni Tugade na pagkalooban na ng emergency powers si Duterte para maayos na ang problema sa trapik sa Kamaynilaan.

“Ang ating sinasabing emergency power ay may unique features. Una, eto ho’y emergency power na hindi pang-forever. Ito ay emergency power na sukat sa isa, dalawa, tatlong taon,” pahayag ni Tugade sa kanyang opening statement.

“Kaya nga kung ating pag-iisipan, bigyang tanaw ‘yung nakaraan, kung napagbigyan lang sana ang emergency power noon, dapat ngayon nirerepaso na natin ‘yung nagawa kung napagbigay,” dagdag nito.

Paliwanag ng kalihim, ang pagbibigay ng emergency powers ay magbibigay ng agarang direksiyon ng polisiya na magpapabilis sa procurement process at resolusyon sa isyu ng right-of-way patungkol sa programa.

Subalit agad na kinontra ni Poe, chair ng komite, si Tugade na hindi nito dapat ibato ang sisi sa lumalalang problema sa trapik sa kakulangan ng emergency powers.

“Gusto ko lang pong linawin, ‘yung sinasabi ninyong maaaring maibsan na ang stiwasyon ng traffic kung sakaling may emergeny power, sabi ko marami pero may mga bagay rin na hindi na kailangan na sana naayos na rin ninyo,” sabi ni Poe.

“Halimbawa, ‘yung ating mga train, hindi na ninyo kailangan ang emergency powers para magkaroon ng procurement. In fact merong executive order ang ating presidente,” dagdag nito.

Ang tinutukoy ni Poe ay ang Executive Order 35 ni Pangulong Duterte na nag-aatas sa Department of Transportation (DOTr) na isailalim sa rehabilitasyon at maintenance ang Metro Rail Transit (MRT) 3.

“Hindi ho napabilis. Pareho lang. 30 days kung sa tamang proseso na mapapaikli ng 10 days, pero ‘yung 30 days nga na ‘yun e hindi niyo nga nagawa eh,” patutsada ni Poe kay Tugade.

Tinukoy pa ni Poe ang mga biniling Dalian train ng DOTr para sa MRT 3 subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa lahat gumagana.

Tinanong ni Poe si Transporation Undersecretary for Railways Timothy Batan kung ilan ang gumaganang train at sinabi nitong sa 48 na binili, wala pa ni isa ngayon na ginagamit sa operasyon.

“So, ito lang ang sinasabi ko, Secretary Tugade, lahat po tayo ay biktima kasi talaga ng traffic at wala po ditong nagpipigil sa kung anuman ang maaaring maging solusyon, kaya lamang po ay pare-pareho tayong may responsibilidad,” sabi ni Poe.

“Huwag po natin sisihin na dahil walang emergency powers ay hindi nagawa ang dapat nating gawin, sapagkat dito lamang sa train na ‘to, na hindi kinailangan ng emergency powers ay ni isa dun sa Dalian train na matagal na naming sinasabing napakahirap na gawin tugma sa ating train system, ay ipinilit pa rin, kaya hanggang ngayon, three years after, from the last administration, hindi pa rin gumagana ‘yan,” punto nito.

Subalit paglilinaw ni Tugade, “Wala ho kaming sinasabing wala ho kaming nagawa kasi walang emergency power. Wala ho akong sinabing ganyan, ang sinasabi ko ho, mas marami ho sana kaming nagawa kung meron hong emergency power.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?