98

By

Poe sa LTFRB: Hindi pwedeng paiba-iba ang regulasyon

Kinuwestiyon ni Senadora Grace Poe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa hindi nito pagsunod sa naunang inilabas na circular na papayagang nilang makabiyahe ang mga hatchback sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay Poe, chair ng Senate public services committee, nangako umano doon ang LTFRB sa kanilang Memorandum Circular 2018-005 noong Pebrero 2018 na papayagan nilang makabiyahe pa ang mga hatchback para mabigyan ng pagkakataon ang mga operator na makabawi sa kanilang puhunan.

Subalit nakakapagtaka aniyang binago ng LTFRB ang kanilang desisyon at hindi na sinunod ang kanilang inilabas na circular noon.

“Siguro ay dapat din nating malaman kung bakit napagdesisyunan ng LTFRB na hindi sundin ang sarili nilang circular,” sabi ni Poe sa isang statement nitong Lunes.

“Hindi pwedeng paiba-iba ang ipinatutupad na regulasyon. Hindi ito patas sa mga mananakay at sa mga namumuhunan,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Poe ang reaksiyon kasunod ng isinagawang transport holiday ng mga driver at operator ng TNVS.

Bukod sa hindi pagtanggap ng LTFRB sa mga hatchback na kotse bilang TNVS unit, iprinotesta din ng grupo ang mabagal na pagpoproseso ng provisional authority at certificate of public convenience sa kanila.

“Matagal na nating kinilala ang kakayanan ng industriyang ito na tugunan ang kakulangan ng maayos na transportasyon sa kalakhang Maynila. Bakit natin kailangang pahirapan ang lahat?” tanong ni Poe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?