82

Poe sa LTFRB: Ayusin ang guidelines para sa Uber, Grab

Kinalampag ni Senator Grace Poe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil bigo hanggang ngayon na mag-isyu ng final guidelines para sa mga transport network vehicle services (TNVS) gaya ng Grab at Uber.

Sinabi ni Poe na chairman ng Senate committee on public services na kritikal na magpalabas na ng guidelines ang LTFRB para klaro na ang mga panuntunan lalo na kapag lumaki ang pangangailangan sa TNVS ngayong Kapaskuhan.

Inungkat ni Poe, na noon pang Setyembre nangako si LTFRB Chairman Martin Delgra na maglalatag sila ng guidelines pero hindi pa ito tinutupad.

Sa sulat kay Poe ng LTFRB noong Setyembre 29, sinabi ni Delgra na hindi pa nila naisapinal ang guidelines dahil dumami ang mga isyu na kailangan nilang resolbahin.

Hindi lang umano ang pamasahe sa TNVS at biglang dami ng sasakyang naka-rehistro sa Grab at Uber ang nireresolbang isyu kundi pati na ang insurance, fleet management at minimum na oras ng pagbyahe ng mga TNVS.

Nagkaroon din umano ng isyu sa booking fees ng Transport NEtwork Companies (TNCs) at sa “dual citizenship” o pagrerehistro ng sabay sa Grab at Uber ng ilang TNVS.

Ayon kay Poe, mahalagang mailabas ang guidelines para maging proteksyon ng publiko na tumatangkilik sa TNVS at para na rin sa ikinabubuhay ang pamamasada ng TNVS.

“In the interest of public service, the LTFRB should release the guidelines before the end of the year, preferably before the holiday rush,” ayon kay Poe.

“To delay the release of those guidelines will affect, not just the daily commute of those who rely on TNVS, but also those who rely on it for a living,” dagdag ng senadora.

Hanggang noong Setyembre, ang Uber ay mayroong 66,000 rehistradong TNVS pero 2,500 lamang ang may provisional authority (PA) mula sa LTFRB at 1,000 lang ang may nakabiting aplikasyon para sa extension ng PA.

Nasa 52.398 naman ang units ng GRAB kung saan hindi lalagpas sa 4,000 ang mayroong PA.

Nakastigo na ng LTFRB ang dalawang kumpanya dahil nagpabyahe ng mga TNVS nang walang PA at certificate of public convenience.

Sinuspinde ang operasyon ng UBer kaya napilitan itong magbayad ng P190 miyong multa para makapasada muli ang kanilang mga TNVS. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?