53

By

Poe sa DOTr: Magdesisyon na sa temporary shutdown ng MRT

Nanawagan kanina si Senator Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan na kung kailangang itigil pansamantala ang operasyon ng Metro Rail Transit.

Sabi ng senadora, dapat tapatin na umano ng DOTr ang publiko kung kailangan ng temporary shutdown ng MRT nang sa gayon ay magawa ang kailangan ditong pagkukumpuni.

Kung kinakailangan aniya, kumuha na ang DOTr ng mga eksperto at maglabas ng emergency fund para makasigurong ligtas ang MRT.

Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na tiyak na maraming magagalit at maraming mapeperwisyo kapag itinigil pansamantala ang operasyon ng MRT pero kailangan aniyang ipaliwanag na hindi pwedeng isugal ang kaligtasan ng 500-libong araw araw na sumasakay dito.

Kung ititigil pansamantala ang operasyon ng MRT, kailangan umanong may plano ang DOTr para sa mga commuter.

Ipinahayag naman ni Poe ang pagkadismaya kay DOTr Secretary Arthur Tugade dahil hanggang ngayon ay wala ng nagagawang magandang pagbabago sa rail system. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?