104

By

Pinoy surfer Casugay tunay na bayani at kampeon – Nancy

Hindi lang kampeon kundi maituturing na isang bayani si Pinoy surfer Roger Casugay dahil sa pagligtas niya sa kanyang katunggaling Indonesian sa longboard event sa 30th Southeast Asian Games.

Ito ang sinabi ni Senadora Nancy Binay matapos niyang isponsoran ang Senate Resolution 258 na nagbibigay parangal kay Casugay dahil sa ipinamalas nitong ‘true spirit of sportsmanship’ matapos iligtas ang katunggaling Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat.

“Nakita natin ang pagbabayanihang hindi lang sa larangan ng surfing at sports. Masisilayan natin ito sa lahat ng mga Pilipinong handang magbuwis ng sarili nilang buhay para sumagip ng isang buhay,” sabi ni Binay sa kanyang sponsorship speech.

“Ipinamalas ni Roger ang kaniyang kabayanihan nang sagipin niya ang katunggali niyang Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat,” dagdag pa nito.

Dahil sa kanyang kabayanihan, naging inspirasyon umano siya ng bawat Pilipino at tunay ngang maipagmamalaki ng buong bansa kaya’t nararapat lang na siya ang magbitbit ng watawat ng Pilipinas sa closing ceremony ng SEA Games sa Miyerkoles.

“Para sa akin, siya ang tunay na bayani at kampeon. He is a winner a thousand golds over. You can always have a chance to get a crack at the gold — but you will never have a chance to get a person’s life back,” sabi ni Binay.

Ayon pa sa senadora, sobrang inspiring na makita in action ang ganitong klaseng kagitingan ni Casugay at isa aniyang konkretong halimbawa ito na maaari nating ipakita sa ating mga kabataan.

“Dahil sa kabayanihan ni Roger Casugay, karapat-dapat lang na siya ang naitakdang flag-bearer sa closing ceremony ngayong Miyerkoles,” ani Binay.

“Nawa’y magsilbi siyang inspirasyon sa ating mga kababayan na handang kalimutan ang sarili para sa ikabubuti ng marami. Mabuhay ka, Roger! Mabuhay ang lahat ng mga atletang Pilipino!” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?