65

By

Pinoy sinaluduhan sa naging kabayanihan sa airport sa Chicago

Isang Pinoy ang itinuturing na bayani sa Chicago, USA matapos niyang pigilang bumangga ang isang motorized catering cart sa isang eroplano sa O’Hare Airport.

Sa viral video, makikita ang paikot-ikot na catering cart sa tarmac ng naturang airport.

Na-stuck umano ang accelerator ng catering cart kaya nagpaikot-ikot ito.

Sa lakas ng pag-ikot nabangga nito ang ilang manggagawa sa airport.

Sinubukan ng ground crew na pigilan ang pag-ikot ng catering cart dahil kung hindi ito mapigilan, babangga ito sa nakaparadang eroplano at makapaglikha ng mas malaking damage.

Nakaisip ng paraan ang Filipino-American na si Jorge Manalang at nang makita niyang babangga na sa eroplano, agad siyang sumakay sa isang tow tractor at binangga ang umiikot na catering cart kaya tumagilid ito at tumigil na sa pag-ikot.

Kuwento ni Manalang, ginawa lang niya ang kanyang trabaho at hindi siya nagdalawang-isip lalo na umano naisip niya ang buhay ng mga kasama niya at mga nakasakay sa eroplano.

Si Manalang ay isang ramp instructor sa airport.

Ayon sa airport, 50 na pasahero na sakay ng eroplano ang nakaligtas sa kapahamakan dahil sa ginawa ni Manalang.

“His name is Jorge Manalang, my brother, a hero, saving a private aircraft from massive damage. GREAT JOB!” sabi ng kapatid ni Manalang sa Facebook post ng nag-viral na video.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?