Pinay pinarangalan ng Dubai Police dahil sa katapatan
Kinilala ang katapatan ng isang Filipina na nagtatrabaho sa Dubai matapos niyang isoli sa may-ari ang isang bag na naglalaman ng pera at tseke na nagkakahalaga ng mahigit P9.9 milyon.
Binahagi sa Instagram post ng Dubai Police ang ginawang parangal kay Mae Anne Olmidillo, 27-anyos, nagtatrabaho sa isang Starbucks outlet sa Dubai Mall.
Sinadya pang puntahan ng Dubai Police noong Agosto si Olmidillo sa Dubai Mall para personal itong papurihan dahil sa pagiging honest.
“When I found the money, hindi po ako nagdalawang-isip ibalik ‘yung pera sa nagmamay-ari. Hindi po akin ‘yun at alam ko may return si God para sa akin. Maraming salamat po,” saad ni Olmidillo sa post.
Ibinalik umano ni Olmidillo ang bag na naglalaman ng Dh195,000 cash at dalawang tseke na may kabuuang halaga na Dh506,250; isang check book at iba pang dokumento na naiwan sa coffee shop ng kanilang customer.
Maliban sa certificate, nakatanggap din ang Pinay ng ilang regalo sa Dubai Police.