35,183

By

Pinay paulit-ulit na ni-rape ng amo sa Riyadh

Humihingi ng hustisya ang isang OFW na umano’y biktima ng panggagahasa ng kanyang among Arabo sa Riyadh.

Nitong Huwebes nang dumating ang Pinay sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City kung saan humingi ng tulong sa mga mamamahayag na naroroon na nagkokober.

Si Mariel (hindi tunay na pangalan) ay dumating ng alas-10:00 ng umaga sakay ng Golf air flight GF154 mula Bahrain at isang taon nang nagtrabaho bilang domestic helper sa Riyadh.

Halos maiyak si Mariel, 32, tubong Isabela, may ka-live in at may tatlong anak, nang isalaysay niya ang karanasan kung saan makailang ulit siyang pinagsamantalahan ng kanyang amo.

Aniya, nakauwi lamang siya nang humingi na siya ng tulong sa kanyang agency at sinabihan pa siya ng agency niya na huwag magsumbong sa tanggapan ng Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) kundi ay makakalaban niya ito.

Ipinaliwanag naman ng OWWA sa NAIA kung ano ang karapatan ni Mariel para magreklamo sa kanilang regional office sa Isabela o sa main office sa lungsod ng Pasay.

Handa ang OWWA na tulungan ang nasabing Pinay.

Dagdag pa ni Mariel, pinagsisira rin daw ng kanyang amo ang mga gamit niya at hindi binigay ang iba pa niyang gamit na naiwan.

Umaasa si Mariel na matulungan siya ng pamahalaan na makamit ang hustisya.

Bukod sa rape, pinapasahod lang siya ng 1,400 Saudi Riyal imbes na 1,500 Saudi Riyal na nakasaad sa kanyang kontrata.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?