90

By

‘Pinas balik-trono tapos ng 18 taon

Marami pang gold medal na paglalabanan at kasalukuyang nasa tuktok ng medal tally ang halos pangkalahatang kampeon ng Pilipinas Linggo ng gabi sa 30th Southeast Asian Games 2019 .

Nakapagakahon na ng 104 gold, 80 silver at 88 bronze para sa total 272 medals ang Nationals sa 11-bansa, 12-araw, kada dalawang taong palighasang ito na may tatlong araw na lang nalalabi.

At dahil sa ipinakikitang determinasyon ng mga Pinoy athletes ay mukhang hindi na ito mahahabol at masisilo na ng Pilipinas ang inaasam na overall championships na una’t huling natikman noong 2005 mula nang lumahok sa SEAG nu’ng 1977.

Sumampa sa podium sina muay fighters Phillip Delarmino at Ariel Lee Lampacan habang bumasag ng SEAG record si Fil-American pole vaulter Natalie Rose Uy.

Pinagpag ni Delarmino si Doan Long Nguyen ng Vietnam, 29-28 upang makuha ang gold medal sa men’s 57 kg. event habang nanaig si Lampacan kay Chamchit Sakchai, 29-28 ng Thailand sa men’s 54-kilogram category.

Nirehistro naman ng 25-anyos na si Uy ang 4.25-meters para sikwatin ang ginto sa women’s pole vault ng athletics sa New Clark City Athletics Stadium kahapon.

Binura rin ni Uy ang dating 4.21m ni Sukanya Chomchuendee ng Thailand noong 2013 SEAG.

Sa umagang bakbakan nasungkit ni Melcah Caballero ang gold medal sa women’s Lightweight Singles Sculls ng rowing sa ACEA, Bay.

Kinubabawan ng pambato ng Bicol na si Caballero sina Thais Rojjana Raklao at Mutiara Putri na nakuntento sa pagkalawit ng silver at bronze medal ayon sa pagkakasunod.

Nagpakitang gilas din ang PH women’s national softball team o Blu Girls sa softball competition. Walang kahirap-hirap na ikinuwintas ang gold medal nang bokyain ang Indonesia, 8-0 finals. (Elech Dawa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?