247

By

Pinabagsak ang defending champs Thailand! PH men’s volley pasok sa gold medal match

42 taon ang hinintay ng Philippine Men’s National Volleyball team para makapasok sa tsansa ng gintong medalya sa Southeast Asian Games.

At wala pang mas tatamis sa pag-abot nito sa harap ng mga kababayan, dagdag pa na defending champions Thailand lang naman ang pinatumba ng PH national team.

Matapos matalo sa opening set, bumawi ang mga Pinoy sa second set kung saan tinarak ang 23-18 lead, ngunit nagpakaba pa matapos makalapit ang Thailand 23-20, bago isalpak ni Kim Malabunga ang magkasunod na puntos para tapusin ang set.

Sa third set ay naging malupit naman ang balikan ng dalawa, 22-all ang iskor nang bumalikwas si Kissada Nilsawai ng spike, na ginantihan naman ni Marck Espejo dahilan para magkagulo sa Philsports Arena.

Ngunit bumalikwas naman ang mga Thai sa duo nina Amorntep Konhan at Nilsawai para patahimikin ang crowd at kunin ang third set, 23-25.

Hindi nagpadaig ang mga Pinoy, alam na kailangan ang sunod na set para mapaabot sa fifth set ang laban.

Sa una ay lamang ang PH, 15-12, ngunit biglang nagwala ang mga Thai at ninakaw ang lamang 18-15.

Sunod nito ay umabot sa 24-21 ang fourth set, isang puntos na lang ay laglag na ang Pilipinas.

Ngunit nanatiling matibay sina Bryan Bagunas at Malabunga, napatabla ang laban at naitakas ang set, 27-25.

Sa rubber set, nagtulong-tulong na sina Espejo, Malabunga at Bagunas para 17-15 win at maitarak ang pagpasok sa gold medal match buhat pa noong 1977.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?