52

May 23, 2020 @ 15:38
By

Pila no more! Mga balik-trabaho ‘di kailangan ng travel authority – DILG

Pinaalam ng Department of Interior and Local Government sa mga empleyado na balik na sa trabaho na hindi na kakailanganin pang pumila para makakuha ng travel authority para makabiyahe.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, tanging company ID o certificate of employment lang ang kailangan na ipakita sa mga control point para makalusot.

“Lilinawin ko lang po na para po sa mga nagtatrabaho sa mga industriyang pinapagayan ng ating batas o pinapayagan ng IATF (Inter-Agency Task Force), ang kailangan niyo lang pong ipakita ay inyong company ID or certificate of employment. ‘Yun lang po, hindi po kayo kailangang humingi ng travel authority,” saad ni Malaya.

Ito’y nilinaw ni Malaya matapos na mapuno ng pila ang isang barangay sa Rodriguez, Rizal dahil sa mga residenteng kumukuha ng travel authority na magbabalik na sa trabaho.

“Hindi po tama ‘yan at kami po ay nakikipag-ugnayan na kahapon pa (Friday) sa munisipyo ng Rodriguez, Rizal para po pigilan nila ang ganoong klaseng sistema,” giit ng opisyal

“Ang travel authority ay para po ‘yan sa mga stranded individuals. Kung kayo po ay nagtatrabaho sa isang establisyimento na pinapayagan ng IATF na mag-operate, ang kailangan niyo lang po ay inyong company ID,” aniya pa.

Pinuna din ni Malaya ang mga local government unit na naniningil umano ng abot sa P3,500 para sa medical certificate, na kailangan para makakuha ng travel authority, nanawagan sa mga LGU na itigil na ang paniningil para makauwi na ang mga stranded na kababayan sa kani-kanilang lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?