55

By

Pick-up sinuwag ang 2 sasakyan: 2 patay, 4 sugatan

Patay ang isang babaeng guro at ang driver ng tricycle na sinasakyan nito matapos masalpok ng isang pick-up sa Tayabas City, Quezon nitong Huwebes ng hapon, Setyembre 20, 2019.

Parehong dineklarang dead on arrival sa ospital ang mga biktimang sina Josefita Premian Alega, 57-anyos na guro, at ang driver na si Jermy Manalo Lado, 69-anyos.

Sugatan din ang tatlo pang guro na sina Cassandra Quinto Tabi, 23; Shernan Naynes Pabruada, 33; at Ma. Lina Llorin Ayangco na mga sakay din ng tricycle.

Ayon sa ulat ng Tayabas City police, alas-4:30 ng hapon nang pauwi na sa city proper ang mga guro galing sa kanilang eskwelahan sa Barangay Potol sa nasabing lungsod nang salpukin ang mga ito ng Mazda pick-up na minamaneho ng 63-anyos na si Samson Rivera Chang habang tinatahak ng mga ito ang provincial road.

Sa lakas ng pagkakabangga, bumaligtad ang tricycle at nakaladkad pa nang ilang metro.

Nahagip din ng pick-up ang isang dumadaang motorsiklo at nasugatan ang driver nito na si Felix Pingol Salvan.

Ayon kay Chang, pababa siya ng barangay road nang mawalan ng preno ang kanyang sasakyan sa intersection ng highway.

Agad sinugod ang mga sugatan sa Tayabas Community Hospital.

Samantala, naaresto naman ng mga pulis si Chang na ngayon ay sasampahan na ng kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?