116
Phoenix hirap sa 'national team' SMB
By

Phoenix hirap sa ‘national team’ SMB

Isang bundok na mahirap alpasan ang kinakaharap ng Phoenix Fuel Masters sa semifinals ng 2019 PBA Philippine Cup.

Ito ay walang iba kundi ang four-time defending champs na San Miguel Beermen.

Sa first game ng semis, matagumpay ang Phoenix na napigilan ang pananalasa ni five-time league MVP na si June Mar Fajardo, tumapos lamang ng tig-siyam na puntos at rebounds.

Ngunit wala pa ring panama ang Phoenix sa lebel ng powerhouse team na SMB, napatid sa nasabing laban, 88-100, na kahit hindi malahalimaw ang performance ni Fajardo ay naging matikas pa rin sa pangunguna ng kanilang mga guwardiya.

Tumapos si Alex Cabagnot ng may 26 points sahog ang pitong assists, kasama ang tig-14 nina Chris Ross at Marcio Lassiter, na patuloy na magiging tinik sa lalamunan ni Phoenix coach Louie Alas sa kasagsagan ng serye.

“Sabi ko sa team ko, we focused so much on their big guys na nalimutan natin yung perimeter nila. So now malaki na yung problema ko, magpe-prepare ako kay June Mar, magpe-prepare pa ako sa perimeter nila,” ayon kay Alas.

Problema nga lalo’t tingin ni Alas na pang-national team na ang kalidad ng mga manlalaro at istilo ng San Miguel, patunay na rin ang kanilang patuloy na pananalasa sa prestihiyosong liga.

“Sabi ko nga sa kanila, ‘We’re facing a national team here, so yung margin of error dito napakaliit kaso ang laki ng turnovers namin. You can’t blink against San Miguel. Bibigay talaga nila sayo yan,” ayon pa sa Phoenix mentor.

Kaya balak ngayon ni Alas ay gawing armas ang kanilang depensa dahil tanggap na hindi kayang tapatan ang firepower ng Beermen, sinabing number one offensive team ang kaharap.

“Kailangan maglaro kami ng A-game defensively for forty-eight minutes. We thought na kaya namin talunin through shootout eh walang mananalo sa San Miguel sa PBA through a shootout. They’re the number one offensive team here,” aniya pa.

Sisikaping makatabla ng Fuel Masters ngayong araw, Lunes sa Smart Araneta Coliseum para makaiwas na mabaon sa 2-0 deficit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?