56

By

Phisgoc official nanigaw, minura ang mga pulis sa SEAG venue dinemanda

Sinampahan na ng patung-patong na kaso ng pulisya ang isang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) matapos umano nitong pagmumurahin ang mga pulis na nagbabantay sa football venue ng Southeast Asian (SEA) Games sa Binan City, Laguna.

Ayon kay Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City Police, sinampahan nila ng 2 counts ng unjust vexation at 2 counts ng oral defamation sa Binan City Prosecutor’s Office si Mark Nikolai Villamora, Planning Chief GSS ng Phisgoc.

Kasama ni Mendoza bilang complainant sina Pol. Chief Master Sgt. Danny Apostol at Pol. Master Sgt. Michael Terciro Fetizanan.

Sa panayam kay Mendoza, dalawang beses umanong sinigawan at pinagmumura ni Villamora ang mga pulis at unang naganap ang insidente noong Nobyembre 25 nang dumating ito sa football stadium sa Biñan City, kasama ang tinatayang 80 kabataan na walang ID at pilit nitong pinapapasok sa loob dahil volunteer umano ito ng Phisgoc.

Pansamantalang pinigilan ang mga ito ng team leader na sina Police Capt. Reden Valdez at Police Lt. Rita Lyn Hernandez dahil kinakailangan umanong inspeksyunin ang mga dala nilang bag dahil sa utos na paghihigpit sa seguridad sa venue.

Doon na umano sinigawan at pinagmumura ni Villamora ang mga pulis at sinabing wala silang karapatan dahil sila umano ang in-charge sa palaro sa kabila ng paliwanag ng mga opisyal ng pulis.

Alas-4:30 naman ng hapon nitong Nobyembre 29 nang maganap ang ikalawang paninigaw at pagmumura ni Villamora sa mga pulis, sa loob din ng football stadium sa Biñan City.

Gumaganap ng tungkulin at nag-iinspeksyon ng pumapasok na mga manonood ang mga pulis na sina Apostol at Fertizanan nang lapitan na naman sila ni Villamora, dinuro at sumigaw: “Putangina hindi kayo pwede dito! Huwag kayong pa-special dito at kami ang in-charge sa security dito!”

Hindi naman umano ito pinatulan ng mga nasabing pulis at sa maayos na paraan ay inimbitahan nila si Villamora sa security control area upang mag-usap, at para hindi na rin makatawag ng atensyon sa mga manonood, subalit hindi ito sumunod.

“Maayos po na nagtatrabaho ang aking mga pulis sa venue, nagbibilad sa init ng araw para magampanan ang tungkulin sa bayan, pero ano po ang ginawa ng taong ito? Ipinahiya, sinigawan at minura sila sa harapan ng maraming tao,” himutok pa ni Mendoza.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?