76

By

PETmalu: MBY santuwaryo ng pag-ibig

Puno ng emosyong nakausap ng Abante PETmalu team ang founder ng MBY Pet Rescue and Sanctuary kung saan ay ibinagi nito kung paano at saan nagsimula ang pagliligtas at pagkupkop nila sa mga alagang hayop.

“2 years ago, ayaw na ayaw ko din ng pusa. Ayaw na ayaw ko ng aso, but look at me now nababaliw na ako sa kanila,” pahayag ng MBY Pet Rescue and Sanctuary founder na si Marita Baquiran Yasuda.

Isang malaking pulang gate ang sasalubong sa iyo sa pagpasok sa MBY. Hindi mo aakalain na may isang santuwaryo sa isang liblib na lugar na Morong, Rizal.

Habang papalapit sa sanctuary ay unti-unting magiging malinaw sa iyong pandinig ang ingay na mula sa tahol ng mga aso na nararamdaman ang mga bisitang parating.

Dose-dosena ang sumalubong na aso sa amin sa pagbukas ng gate sa 1.8 ektaryang lote ng santuwaryo.

Nagsimula si Marita Baquiran Yasuda sa pagsasagawa ng private rescue noong Oktubre 2007, mula sa 2 kuting na ngayon ay umabot na sa mahigit isang libong mga aso at pusa.

Ang mga pusa at aso ay mula sa mga basurahan habang ang iba nama’y iniligtas mula sa pang-aabuso ng mga unang may-ari at pagpapabaya sa kanila sa mga lansangan.

Ang naturang kanlungan ng pusa at aso ay kanyang personal na pinondohan noong 2015 dahil sa kanyang pagkahilig sa pagliligtas ng mga hayop.

Dito ay pinapa-spay, neuter, pinapakain, at inaalagaan ang napakarami nilang alaga.

Sa ngayon, siya ay lubos na umaasa sa mga donasyon at boluntaryo. Sa kasamaang palad, minsan ay hindi na siya nakakapagbayad para sa kanyang mga tagapag-alaga at may daan-daang mga alagang hayop na nasa rescue center na umaasa sa kanya para mabuhay.

Ang santuwaryo ngayon ay tahanan ng halos 1000 aso at pusa at kada-araw ay nahihirapan sila sa kung saan kukunin ang ipapakain sa mga ito ngunit patuloy pa rin sila sa kanilang adbokasiya.

Saad ni Ginang Marita, ang nagtulak sa kanya upang kusang loob na isalba ang mga hayop ay ang awing nararamdaman niya sa tuwing may nakikitang hayop na napababayaan sa kalsada at ang iba pa’y nasasagasaan sa daan.

Pero inamin ng animal advocate na hindi talaga sya mahilig sa mga hayop noon.

“12 years ago nagbago pananaw ko dahil lang sa isang pusa. Pinasok yung isang pusa sa bahay namin. Nakita ko sya eh napakabait, napakalambing. Yun ang nag trigger sakin. At isang tutang duguan wala isang darili, pumasok sa bakuran namin, Yun din ang nag push sakin para magsimula mahalin ang mga hayop,” paliwanag ni Yasuda.

Kaya naman grabe din ang sama ng loob nya sa mga nanakit ng hayop. Hinihikayat nya na baguhin ang pagtrato sa mga hayop.

“Hindi nyo alam kung paano magmahal, pero kung sakali mang makaranas kayo ng pagmamahal, magbabago ang pananaw ninyo. Yumakap kayo ng isang aso, yumakap kayo ng isang pusa.”

Hindi nya aakalain na “mababaliw” sya sa pag-aalaga at pag-rescue sa mga eto.

Aniya isang fulfilment tuwing nakikita nyang napapaganda at napapagaling ang mga rescue na akala nila ay mamatay na.

Ang pinakamahirap naman ay ang paglisan nila, na kung kailan sila bibigyan ng gamot ay doon na bumibigay.

Sa mga interesado sa pag-adopt ng mga aso at pusa, mas pinapalagahaan ng MBY founder ang mga alam niyang responsable na magiging pet owner, at hindi dahil maganda lang ang aso.

“Gusto namin yung mamahalin talaga nila, aalagain. Hindi yung gagawing bantay. Hindi yung parang for show lang,” sabi ni Yasuda.

Walang bayad ang pagalaga ng rescue nila, pero dinadayo at pinupuntahan niya at ng kanyang team ang mga lugar kung saan nakatira ang gustong mag-adopt bago niya tuluyang ipaampon ang mga alaga sa iba.

Nais ni Ginang Marita na bisitahin muna ng mga nagnanais mag-ampon ang kanilang santwaryo upang ang mga hayop mismo ang pumili aniya sa magiging bagong pamilya.

“Tingnan nyo po mga rescue namin, sila po pipili sa inyo kung sila po ay naayon sa inyo,” ani Marita.

Hiling ni Ginang Marita, “Na sana lahat may mapuntahan, sana lahat may mag a-adopt. Sana wala na talagang kailangan i-rescue.”

Sa mga nais magbigay ng donasyon:

MARITA B. YASUDA

BPI 4059-3146-37

BDO 0066-3021-5825

Metrobank 402-3402-24461-6

PayPal: twister0408@msn.com

PayMaya: 0966-814-4456

Ang MBY Pet Rescue at Sanctuary ay matatagpuan sa 113 Pantay St., Sitio Talaga, Barangay Maybancal, Morong, Rizal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?