79

Peace talks band-aid solution lang – Alunan

Wala naman umanong problema kay dating Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan III kung ipagpapatuloy ang lokal na usapang pangkapayapaan lalo pa’t naibabalik nito ang kaayusan partikular sa kanayunan.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Alunan na naniniwala siya na “band-aid solution” o pansamantala lamang ang pagsasagawa ng usapang pangkapayaan dahil mawawakasan lamang umano ang rebelyon kung magkakaroon ng mabuting pamamahala, responsableng mamamayan at nasusustenang pag-unlad.

“To the extent that it can win over hearts and minds, stop the bloodshed and restore normalcy in the rural areas, I will go for it. But the real solution to end the insurgency lies in good governance, responsible citizenship and sustainable development,” pahayag ni Alunan sa kanyang Facebook post.

Ayon kay Alunan ang unang dapat gawin ay ireporma ang criminal justice system upang maging matibay ang pagpapatupad ng batas at mapabilis ang paghahatid ng katarungan sa ating mga kababayan na magiging daan naman upang maibalik ang katatagan, pagtitiwala at kumpiyansa at maipakita ng mga Pilipino sa kanayunan ang kanilang pagiging malikhain at kakayahang makipagsabayan sa iba.

Ngunit, ayon kay Alunan, kailangan na isang buong bansa ang magsusumikap at magtutulungan na magawa at maabot ang ganoong estado ng sistema sa paghahatid ng hustisya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?