182

Jan 22, 2019 @ 17:07
By

PCSO, naka-6 milyonaryo sa isang linggo

Malapit na sa kalahating bilyong pisong jackpot prize ang nailabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa loob ng isang linggo matapos madale ng anim na masuwerteng mananaya ang jackpot prize.

Ayon kay PCSO General Manager Alexander Balutan, nasa P426,549,073 ang nailabas na ng ahensya para sa jackpot prize ng anim na lucky winners sa loob lang ng isang linggo.

“Mukhang lucky year ito para sa ating mga mananaya ng lotto,” ayon kay Balutan.

Sa anim na milyonaryo, dalawa ang nakadale ng jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58; dalawa sa Lotto 6/42; isang winner sa Super Lotto 6/49 at isa pang milyonaryo ang nakakuha ng Grand Lotto 6/55.

Dagdag pa ni Balutan, isang mapalad na winner ang nakadale ng Grand Lotto 6/55 mula sa isang lotto outlet sa SM City Cebu at mag-uuwi ng P239.2 milyon na jackpot prize na binola noong Lunes ng gabi.

Ito na ang ika-anim na bagong milyonaryo sa loob ng isang linggo.

Matatandaang nag-iisang mananaya naman ang nakadale ng Ultra Lotto 6/58 jackpot prize na P58,472,458 noong Linggo ng gabi na nabili sa isang lotto outlet sa SM Bacolod.

Enero 20, isang lucky winner ang nakatumpak ng jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na may premyong P25,226,907.

Nabili ang tiket sa isang lotto outlet sa SSS Village, Concepcion Dos, Marikina City.

Nadale rin ang Lotto 6/42 noong Enero 19 na may jackpot prize na P5,940,000 mula sa mananayang Dabawenyo at nabili ang ticket sa Panabo City, Davao del Norte.

Enero 18, natumpak naman ng nag-iisang winner ang 6-digit number ng Ultra Lotto 6/58 draw na mayroong jackpot prize na P49,500,000.

Nabili ang ticket sa isang lotto outlet sa Novaliches, Quezon City.

Noong Enero 15 naman ay isa pang mananaya ang nanalo ng Lotto 6/42 jackpot prize na P48,204,764 na nabili ang winning ticket sa isang lotto outlet sa Sampaloc, Manila.

“Gaya ng lagi kong paalala sa mga nananalo, use your money wisely. Huwag maging one-day millionaire. Save for your future. Invest,” paalala ni Balutan sa mga mananaya ng lotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?