750

Apr 1, 2020 @ 16:00
By

PCSO mamimigay ng P447M tulong pinansyal sa 81 gov’t hospital para magamit sa paglaban sa COVID-19

Pagkakalooban ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng P447 milyong tulong pinansiyal ang may 81 government hospitals sa bansa, para magamit nila sa kanilang laban sa pagsugpo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, inaprubahan ng Board sa isang pulong noong March 31, ang paglalabas ng may P447 milyong ayuda para sa mga naturang pagamutan sa buong bansa.

Karagdagan aniya ito sa P420 milyong pondo na unang inianunsiyo ng PCSO na ipagkakaloob nila sa PhilHealth noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Garma na maaaring gamitin ng mga pagamutan ang naturang financial assistance para sa pagbili ng mga testing kits, reagents, medical/diagnostic equipment, confinement, medicines, laboratory/diagnostic procedures, at Personal Protective Equipment (PPEs) upang mapabilis ang paggaling ng mga pasyente nilang dinapuan ng COVID-19.

Nabatid na ang bagong aprubang financial assistance ay magmumula sa Charity Fund ng PCSO sa ilalim ng Calamity Assistance Program (CAP) budget.

Kabilang umano sa makakakuha ng pinakamalaking tulong pinansiyal ay ang Philippine General Hospital, Research Institute for Tropical Medicine at Southern Philippines Medical Center, na tatanggap ng tig-P50 milyon.

Ang Lung Center of the Philippines ay makakakuha ng P35 Milyon, habang ang Vicente Sotto Memorial Medical Center, Davao Regional Medical Center at Cagayan Valley Medical Center ay tatanggap naman ng tig-P30 Milyon bawat isa.

Milyun-milyong pondo rin naman ang inaasahang matatanggap ng iba pang government hospitals mula sa PCSO.

Ayon kay Garma, nakikipag-ugnayan na ngayon ang mga PCSO branch managers sa iba’t ibang lalawigan sa pangasiwaan ng naturang 81 pagamutan para sa mga kinakailangang dokumento, gayundin sa iskedyul ng turnover ng pondo na gaganapin sa PCSO Branch Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?