775

PBB Otso: Wealand malakas ang tama kay Kaori

Inanunsyo na noong Huwebes (Hulyo 11) na makikilala na ng sambayanan ang winners sa apat na batch sa “PBB Otso” sa Sabado (Hulyo 13).

Simula nga noong Linggo (Hulyo 7) nagsipasukan na muli ang mga big 4 ng apat na batch. Hindi naman sinayang ni Kuya ang mga sandali at iba’ ibang tasks na din ang ipinagawa sa mga housemate para na rin makilala ang isa’t isa.

Noong Huwebes nga pumasok na ang pinakahuling miyembro ng 4G na si Kaori Oinuma, ang pinakahihintay na housemate ni Wealand.

Nabanggit nga ni Wealand Ferrer noong simula ng kanyang paninirahan sa loob ng Bahay ni Kuya na kaya lamang siya sumali sa PBB ay may hinahabol siyang babae. Ayon sa kanya, walong buwan niya itong niligawan ngunit siya ay nabasted.

Kaya naman nagbabakasakali siyang makita itong muli kahit pa hanggang magkaibigan na lang ang turingan nila. Hindi man niya pinangalanan, lumabas ang usapang si Kaori ito dahil sa kanilang litrato sa 18th birthday ng dalaga.

Mas luminaw pa na si Kaori talaga ang kanyang tinutukoy nang biruin din siya ni Karina Bautista, kasama ni Kaori sa batch one, na parang may inaantay itong pumasok.

Agad din naman umaksyon si Kuya at tinanong ang lalaki kung sino nga ba ang kanyang inaantay at sinabi nga niyang si Kaori ito.

Nakaka-curious tuloy kung ano ang mangyayari sa kanilang pagkikita. Magkailangan kaya ang dalawa o magkakalinawan sa estado ng kanilang relasyon. Excited na nga ang taumbayan sa kahihinatnan ng “PBB Otso” at kung ano pa ang mga pasabog ni Kuya sa season na ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?