456

Feb 10, 2020 @ 17:42
By

Patay bawal na pagkakitaan! Sugal sa lamay, ipapahinto

Bawal na ang sugal sa lamay ng patay gayundin ang anumang klase ng sugal lupa katulad ng sakla, tupada, color games sa mga peryahan at anumang card games sa Metro Manila.

Ito ang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas sa isinagawang press briefing at sinabing nagbigay na siya ng kautusan para sa pagbabawal ng mga nasabing iligal na sugal.

“Nag-issue na ako ng directive na maski sa patay, bawal ang magsugal,” pahayag ni Sinas sa isinagawang press conference.

Paliwanag nito na unang sasabihan ng pulisya ang pamilya ng namatay na ihinto ang sugal sa lamay pero kung hindi susunod ang mga ito at tuloy pa rin ang sugal ay saka na isasagawa ang raid.

“Ang guidance ko, pakiusapan muna. Pagkatapos, kung ayaw saka i-raid para hindi nila masabi na wala kaming konsiderasyon,” dagdag ni Sinas.

Bukod sa sugal sa lamay ay bawal na rin ang mga color at number games sa mga peryahan kahit sa piyestahan ganun din ang tupada at saklaan.

Matatandaang una ng iniutos ng Philippine National Police (PNP) chief General Archie Francisco Gamboa ang pagbabawal sa operasyon ng illegal gambling at nagpatupad ito ng one strike police sa mga opisyal ng pulisya na hindi susunod sa kanyang kautusan.

Nitong nakaraang linggo ay una ng sinibak ang Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office gayundin ang mga hepe ng Guguinto, San Jose Del Monte City at Sta Maria, Bulacan dahil sa mga sinalakay na iligal na pasugalan.

Habang sa Metro Manila naman ay sinibak ang tatlong hepe ng tatlong lungsod ng Metro Manila at pitong unit commanders dahil na rin sa hindi pag raid ng mga iligal na pasugalan sa kanilang nasasakupan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?