36

Feb 27, 2020 @ 15:21
By

Pastor tinumba sa harap ng misis

Patay ang isang pastor makaraan itong pagbabarilin ng apat na hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa harapan ng kanyang misis sa Brgy. Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental, Martes ng gabi.

Kinilala ang nasawing biktima na si Pastor Lonie Lahao-Lahao, 54 anyos ng Church of the Living God at kagawad sa Brgy. Camandangan ng lungsod.

Sa report ni Lt. Col. Neceraro Sabando, Officer-in-Charge (OIC) ng Sipalay City Police, nangyari ang insidente habang ang biktima at misis nito ay lulan ng tricycle pauwi na sa kanilang tahanan nitong Martes ng gabi.

Ayon sa opisyal, hinarang ng mga armadong salarin ang tricycle na sinasakyan ng biktima.

Nabatid na kasama ng biktima ang kanyang misis nang mangyari ang insidente.

Agad na pinagbabaril ng mga suspek ang target na pastor na napuruhan ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siya nitong ikinasawi.

Ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 baril.

Patuloy naman ang masusing imbestigasyon sa krimen kung saan kabilang sa sinisilip na motibo ay politika dahil dati umanong kagawad ng kanilang lugar ang pastor, gayundin ang personal na galit.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?