202

Parks tinanggihan ang Gilas Pilipinas

Sa isang ‘di sukat akalaing desisyon, inayawan ni Bobby Ray Parks, Jr. na maging parte ng national pool ng Gilas Pilipinas na naghahanda para sa 18th International Basketball Federation World Cup 2019 sa Aug. 30-Sept. 15 sa China.

Binuko ni national coach Joseller ‘Yeng’ Guiao ang pasya ng anak nang namayapang 7-time Philippine Basketball Association Best Import Bobby Parks, Sr. Huwebes sa araw mismo na inanyayahan ang Blackwater rookie.

Aniya, nakipag-uganayan pa sila sa team sa pamamagitan ni liaison officer Yvette Reyes, pero nalaman niyang may ibang prayoridad ang basketbolista, na nag-PH team na rin naman noon sa Pasay City 2016 Olympic Qualiying Tournament at sa Jakarta 2017 Southeast Asian Games.

Inaasahang mabibira nang todo sa socmed o ng mga netizen ngayong araw ang napakatatas pa man ding masalita ng Filipino na basketbolista, na ang ama’y ‘di matatawarang pinarangalan ng PBA sa pagpangalan sa BI trophy bilang pag-aalala sa kontribusyon nito sa pro league.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?