406

By

Parak binaril ni misis sa mismong kaarawan

Malubhang nasugatan ang isang pulis nang barilin ng lasing na misis sa mismong kaarawan ng una habang nadamay din ang kanilang kasambahay na umawat sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang pulis na biktima na si Patrolman Wilson Pepito, 34, nakatalaga sa Police Community Precinct 3 ng Bagong Silang, Caloocan City habang ang kasambahay ay si Janet Macahilig, 37, kapwa residente ng Maligaya Park Subdivision, Brgy. Pasong Putik ng nabanggit na lungsod.

Arestado naman ang suspek na si Angeline Flora, 27, kinakasama ni Pepito at residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng Fairview Police Station 5, alas-5:30 ng hapon noong Abril 22 nangyari ang insidente habang nagdiriwang ng kanyang ika-34 na kaarawan si Pepito sa kanilang tahanan.

Masaya umanong nag-iinuman ang mga biktima kasama sina Flora at isang alyas Marilyn ngunit nang malasing ang suspek ay bigla na lamang nitong sinunggaban ang .9mm service firearm ni Pepito at binaril ang pulis.

Nadamay naman si Macahilig na noon ay nagtatangkang umawat sa kaguluhan nang tumagos ang balang tumama sa pulis patungo sa kanya.

Agad namang naisugod sa Tala Hospital ang mga biktima para magamot.

Narekober ng mga awtoridad ang baril ng pulis mula sa silid ng biktima gayundin ang mga magazine nito na may siyam na bala at isang basyo ng bala.

Mahaharap sa kasong frustrated homicide si Flora dahil sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?