71

By

Para sa ‘surveillance’: Opisina ng Philippine Collegian ng UP sinubukang pasukin

Binalita ng Philippine Collegian, ang opisyal na publication ng mga mag-aaral ng University of the Philippines – Diliman, ang tangkang pagpasok at pag-inspeksyon ng isang lalaki sa kanilang opisina nitong Sabado ng gabi, para diumano sa “surveillance.”


“Nakaabang ang dalawa sa kasamahan nito sa kubo sa harap ng College of Home Economics Annex katabi ng opisina ng Collegian,” saad ng campus media.

“Nang kausapin ng mga miyembro ng Collegian ang lalaki, sinabi nitong kailangan nilang mag-inspeksyon sa loob ng opisina para diumano sa surveillance,” kwento pa nito.

Ilang oras matapos ang insidente, sinabi ng Collegian na nasa kustodiya na ng UP Diliman Police (UPDP) ang lalaki na nagpakilalang si Wilfredo Manapat, 28.

“Paliwanag ni Manapat sa pulisya, hinahanap lamang umano niya ang kanyang mga kasamahan noong mga oras na iyon. Taliwas ito sa kanyang naunang sinabing nais niyang mag-inspeksyon para sa surveillance,” hayag ng Philippine Collegian.

“Dahil siya lamang ang nagtangkang pumasok sa opisina, pinalaya ng UPDP ang dalawa niyang kasamahang natagpuan sa waiting shed sa tapat ng Sampaguita Residence Hall. Kakalap din ng karagdagan pang impormasyon ang UPDP hinggil sa pagkakakilanlan ni Manapat,” dagdag nito.

Agad naman kinundena ang insidente ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at student arm ng NUJP na Union of Journalists of the Philippines (UJP)-UP.

“Sa panahon na tumitindi ang mga paglabag at panunupil sa pamamahayag, kabilang ang walang pakundangan na pagpasok ng mga pulis at militar sa opisina at pag-aresto sa mga progresibong grupo, walang ibang tatahakin na direksyon ang mga manunulat kundi ilantad at panagutin ang isang estadong papet, pahirap, at pasistang rehimen,” saad ng CEGP.

“In light of the recent attacks against the press, we stand with the Philippine Collegian and denounce this blatant intimidation against student publications. This is a clear attempt of state oppressors to unnerve media entities that maintain a line of reportage reflective of the real social-political situation of the public,” ayon naman sa UJP-UP.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?