848

By

Para mailayo sa ‘5-6’: Mga magsasaka bigyan ng madali, murang pautang – Salceda

Ang mabigyan ng mas madali at murang pautang ang mga magsasaka ang siyang isinusulong ni Albay Rep. Joey Salceda sa pamamagitan ng inihain nitong House Bill No. 6039 o mas kilala sa tawag na “The Rural Agricultural and Fisheries Financing Enhancement System Act”.

Ayon kay Salceda, ang panukala ay bilang bahagi ng pagpapahusay ng Agri-Agra Reform Act of 2009 (Republic Act No. 10000) na layong masigurong mas magiging madali na ang pagpapautang sa mga rural community.

Sa ilalim ng panukala, gagawin nang madali para sa mga magsasaka ang umutang sa pamamagitan ng ‘virtual banking’ na kung saan dito ay hindi na kailangang pumunta pa sa bangko ang nais umutang kundi maaari nang makapagbukas ng bank account gamit ang cellphone at makapangutang sa mga rehistradong bangko ng Bangko Sental ng Pilipinas.

Sa ‘virtual banking’, matutulungan umano ang mga magsasaka mula sa malalayong komunidad na makasali sa banking at lending system na siyang magiging daan upang mas magiging madali nang umutang.

Ayon pa sa kongresista, pangunahing problema ng mga magsasaka kaya hirap na umutang ay dahil malayo ang bangko bukod pa sa mga requirement kaya madalas sa “5-6” napipilitang manghiram ang mga ito.

“Malayo ang bangko sa bukid. Marami pang requirements kaya magpapabalik-balik ka. Siyempre, ‘yung iba, sa malapit na ‘5-6’ na lang hihiram,” dagdag pa ni Salceda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?