36

By

Para bawas-pressure: Facebook baka itago ang ‘Like’ sa mga post

Kinumpirma kamakailan ng Facebook na pinag-iisipan nitong hindi na ipakita kung gaano karaming “likes” ang natatanggap ng bawat FB post.

“We are considering hiding like counts from Facebook,” sinabi ng tagapagsalita ng app sa Agence France-Presse noong Martes, Setyembre 3.

Sa gayon umano, itutuon na ng mga netizen ang pokus sa kung ano ang nasa post at hindi na lang para magparami ng likes.

Sinubukan na rin ng isa pang application ng FB na Instagram ang ganitong taktika ngayong taon sa ilang mga piling bansa.

Kita man ng orihinal na nag-post ang bilang ng mga like at dami ng views sa kada video, hindi ito nakalantad sa mismong audience ng IG.

Ginawa rin ng Twitter ang nasabing eksperimento, ayon kay product lead Kayvon Beykpour.

Nalaman nilang mas kaunti ang interaksyon kapag hindi nakikita ng mga netizen ang bilang ng likes at retweets sa isang tweet.

“When you remove engagement indicators, people engage less,” ani Beykpour sa midya noong Agosto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?