50

By

Pangingikil posibleng motibo sa pagbomba sa Sultan Kudarat

Extortion o pangingikil ang sinisilip na motibo ng pulisya sa likod ng pagpapasabog ng pampublikong palengke sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat na ikinasugat ng walo katao nitong Sabado ng umaga, Setyembre 7.

Ayon kay Police Lt. Xol. Joven Bagaygay, hepe ng Isulan Municipal Police Station, pangingikil ang pangunahing motibong sinisilip ng pulisya sa nasabing pambobomba sa palengke sa Barangay Kalawag 3 sa nasabing bayan pasado alas-siyete ng umaga nitong Sabado.

Subalit hindi pa rin aniya nila sinasasantabi na posibleng mga extremist group ang responsable sa insidente, kaya patuloy ang kanilang imbestigasyon tungkol dito.

Ayon kay Bagaygay, isang tawag ang natanggap ni Isulan Mayor Marites Palasigue nitong Lunes mula sa isang grupo na humihingi ng halagang P250,000 kada buwan upang hindi masama ang bayan ng Isulan sa kanilang bobombahin. Tumanggi rito ang alkalde.

Hindi muna pinangalanan ni Bagaygay ang nasabing grupo, subalit ito rin aniya ang responsable sa nakalipas na pambobomba sa bayan.

Matatandaang isang Improvised Expolsive Device na nilagay sa nakaparadang motorsiklo sa harapan ng pampublikong palengke ang pinasabog na ikinasugat ng walo katao na kinabibilangan nina Niño Virgo, Jaren Amigo, Jay Carnaso, Jomar Aquino, Nasim Gulano, Terencio Cagadas, Gerald Cartagena, at Richard Arancillo.

Base sa CCTV footage na nakuha ng pulisya, nilagay ang bomba noong Biyernes pa lang ng gabi ng isang hindi pa kilalang lalaki na nakasuot ng pambabaeng damit.

“The bomber got to the area on a motorcycle and left the explosive device beside a parked motorcycle at the market,” kwento ni Bagaygay.

Susubukan pa aniya nilang palakihin at palinawin ang kuha ng CCTV para makilala ang suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?