59

By

‘Pang-uulo’ ni Jones kay Ross katumbas ay P20K

Ang headbutt ni Terrence Jones kay Chris Ross, nagkakahalaga na ng P20,000.

Ini-upgrade ang unang flagrant foul penalty 1 ng TNT import sa FF2 pagkatapos ng video review ng PBA technical committee.

Resulta nito, pinagmulta ng Commissioner’s Office si Jones ng P20,000.

Binigyan din ng P5,000 fine si San Miguel Beer forward Christian Standhardinger dahil sa pagbaltak sa braso ni Jones nang magkabuhol silang dalawa sa rebound play bago natapos ang third quarter.

Natawagan ng F1 ang Fil-German dahil sa ginawa.

Kulang anim minuto sa first quarter, sa isang dead ball situation ay sinundan ni Jones ang palayong si Ross at iniumpog ang ulo sa kanang sentido ng San Miguel Beer guard.

Unang ini-assess ng game officials na FF1 ang ginawa ni Jones, pinaupo ito ng 3 minutes.

Kung naging FF2, awtomatiko sanang ejected ang dating miyembro ng Houston Rockets.

Nakabalik si Jones, tumapos ng 37 points, 18 rebounds, 9 assists at 5 blocks para ihatid ang KaTropa sa 115-110 win sa Game 3 ng PBA Commissioner’s Cup Finals Biyernes ng gabi.

Lamang ang TNT sa series 2-1, balik ng Smart Araneta Coliseum ang magkatunggali sa Game 4 ng best-of-seven ngayon.

Pagkatapos ng laro, umalma si Ross sa F1 na ipinito kay Jones.

“I’ve seen people get ejected for headbutts, but I guess not today,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?