1,120

By

Panelo: VP Leni hindi mananalo kay Inday Sara sa pagka-pangulo

Mahihirapan umano ang mga makakalaban ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022 sakaling magpasya itong kumandidato sa pagka-pangulo kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na si Mayor Sara ang pinaka-popular na alkalde ngayon sa bansa at kung tatakbo ngayon ay tiyak na mananalo ito.

Maging si Vice President Leni Robredo aniya ay baka mahirapan kay Mayor Sara matapos ipahiwatig ng Bise Presidente na bukas siya sa posibilidad na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022.

“Walang mananalo sa kanya, siya ang pinaka-popular ngayon na mayor. If we talk of possibilities, gaya ng sinasabi ko we have limitless possibilities, we will never know what will happen in three years. maraming mangyayari,” ani Panelo.

Bagama’t ayaw ni Pangulong Duterte na tumakbo ang kanyang anak, sinabi ni Panelo na gusto siya ng mga tao na mag-presidente dahil nakikita sa alkalde ang talino at political will ng isang lider.

Binigyan aniya ni Mayor Sara ang sarili hanggang sa susunod na taon para magdesisyon kung tatakbo o hindi sa 2022.

“Sabi niya she gave herself a deadline next year. Depende siguro ‘yon. The father does not want pero people want her to run, she might rise to the challenge, she has the intellect and political will. If she runs now, overwhelmingly. She doesnt need convincing, people will make her run,” dagdag pa ni Panelo.

Sinabi ng kalihim na inilunsad na niya ang kandidatura ni Mayor Sara sa Hong Kong noong bumisita sila sa nabanggit na bansa kung saan sinabi niya sa harap ng mga overseas Filipino worker na kung mayroong Arroyo si dating President Diosdado Macapagal at mayroong Noynoy si dating Pangulong Corazon Aquino ay mayroon ding Sara si Pangulong Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?